Q:sir kristoffer, may tanong po ako, ano po ba yung values na makikita sa noli at fili, tsaka objective kung bakit po sinulat yung mga ito ?
Dear utakhangin,
Unting research lang ang kailangan para malaman mo iyon. Kailangan mong basahin ang Noli at Fili. Kung walang oras, maghanap ng synopsis nito. Nagkalat ang mga komiks, pero maniwala ka, walang wala ‘yun sa mismong mga nobela. Huwag tumulad kay Emilio Aguinaldo na sa kabuuan ng pamumuno sa himagsikan, ni hindi man lang niya tinangkang basahin ang dalawang aklat na nagsimula ng rebolusyon. Alamin mo muna kung bakit sinulat ni Rizal ang dalawang nobela. Alamin mo ang konteksto ng kanyang panahon, kung bakit wikang Kastila ang ginamit niya sa mga nobelang ito. Bakit mga pari ang ginawa niyang kontrabida, at kung bakit mismong Pilipino rin (tulad ni Donya Victorina) ang kalaban sa kwento. Unti unti mong makikita ang mga ‘values’ sa nobela, at kung bakit kinamuhian ito ng Simbahan.
Sangkatutak na values ang makikita mo sa nobela. Isang values na nakita ko ay makikita din sa liham niya sa mga kadalagahan ng Malolos: wala sa libag ng kalmen o sa paulit ulit na dasal, ngunit nasa kalooban ang tunay na kabanalan. Sigurado ako may makikita ka pa bukod doon.
Sa madaling sabi, hindi naman masamang magbasa ng aklat ni Rizal. Mahirap.. oo, mahirap sa umpisa. Pero pag nalimutan mo nang hawak mo ang libro, doon ka na tunay na nagbabasa.
Nakakalungkot nga na dahil nakikita natin ang mga makasaysayang bayaning ito sa pera, sa mga monumento, sa mga pangalan ng probinsya, etc. parang wala rin sila. May narinig akong propesor na nagsabi: “Rizal can be seen everywhere and therefore, nowhere.”
Hindi masamang alamin ang mga bagay ng nakaraan. Nakakadepress ito minsan (dahil tao rin silang may kahinaan at dilim na naitatago) pero mas makikilala natin kung sino tayo at kung ano ang kahinaan natin bilang isang tao kung tutuklasin natin ang mga buhay ng nauna sa atin. Tulad nga ng sabi ko, “history shows us the human condition.”
Isang mungkahi ko lang: Baka madalian kang basahin ang bersyong salin ni Leon Ma. Guerrero sa Ingles. Tatlong bagay lang. Magbasa. Magbasa. at Magbasa. Sana nakatulong ito.
5 Notes/ Hide
-
worclip likes this
-
lendlklein likes this
-
lendlklein said:
pakiramdam ko takdang aralin ito, hahaha XD
-
chieetomania likes this
-
indiohistorian posted this







